Ang Alamat ng Singkamas
Noong unang panahon sa isang malayong bayan mayroon naninirahan na magkasintahan na nag ngangalang Singka at Amas. Labis nilang mahal ang isat isa sa kabila ng agwat nila sa estado ng kanilang pamumuhay.
Si Singka ay dalagang ubod ng ganda. Lahat ng kalalakihan ay tila umiibig sa kanya. Mga binatang nanggaling pa sa ibat ibang lugar. Mayayaman at may mga sinabi sa buhay. Ngunit sa kabila nito wala man lang siyang napusuan.
Si Amas naman ay isang binatang may simpleng pamumuhay. Salat man sa karangyaan mayroon naman siyang mabuting puso. Magalang at mapagmahal sa magulang. Ang kanyang pamilya ay nakikisaka sa lupain ng ama ni Singka. Nakilala ni Amas si Singka ng minsang isama ito ng kanyang ama sa paglilibot nito sa kanilang lupain. Sa unang pagkakataon nabihag nila ang puso ng isat isa Gumawa si Amas ng paraan upang makilala at mapalapit sa dalaga. Hindi naman nahirapan ang binata, dahil ang kanyang ina ay naninilbihan sa bahay ng dalaga. Pinadalhan niya ito ng liham. Hindi nmn nabigo ang binata. Sinagot naman ni Singka ang mga liham na kanyang natatanggap. Sa liham din siya sinuyo ng binata. Lumiham ang binata na nais nyang makipagtagpo sa dalaga. Sa dulo ng batis sa likod ng malalaking puno ng narra. Tumupad naman ang dalaga, dumating siya sa pinag usapan.
Simula noon lihim na silang nagtatagpo. Lihim nilang pinagtitibay ang kanilang pag ibig. Saksi ng mga puno, halaman, ibon at batis sa kanilang pag-iibigan at mga pangako sa isat isa. Mga pangarap nilang sila lang ang nakakaalam. Sandaling nalilimutan nila ang agwat nila sa buhay. Malayo sa mapanuring mata at mga nanghuhusga. Sa tagpuan na sila lang ang nakakaalam.
Alam ng dalaga na magagalit ang kanyang ama. Ang nais ng kanyang ama ay mapangasawa niya ang binatang nanggaling sa angkan ng may kaya sapagkat nag-iisa siyang anak.
Dumating ang araw na kanilang kinakatakutan. Walang lihim na maitatago habang buhay. Natuklasan ng ama ng dalaga ang lihim nilang relasyon. Galit na galit ang ama ni Singka. Hindi na pinayagan pang makapasok ang ina ni Amas sa kanilang bakuran. Hindi na rin nakakalabas ang dalaga ng walang kasama.
Nagdesisyon ang ama ni Singka na ipakasal siya sa anak na binata ng mayamang angkan sa kabilang nayon. May pakpak ang balita dahil nakarating agad ang balita kay Amas. Nalaman niya na ikakasal na ang kanyang kasintahan. Pinilit ni Amas na tumutol sa kasal at ipaglaban ang pagmamahalan nila ni Singka.
Isang gabi bago ang kasal si Singka sa binatang taga ibang nayon ay itinanan ni Amas ang dalaga. Walang pag-aatubiling sumama si Singka sa kanyang minamahal sapagkat hindi niya nakikita ang sarili sa piling ng ibang lalaki. Plano nilang pumunta sa nayon sa likod ng bundok ngunit kailangan nilang tumawid sa isang ilog. Ang ilog na iyon ay hindi natatawiran tuwing may ulan sapagkat malakas ang agos.
Sa isang maliit na kubo malapit sa bundok at di kalayuan sa ilog naisipan nilang magpalipas ng gabi. Walang tao sa kubong iyon, marahil ay lumipat na ang dating may-ari. Matapos makapagpatuyo ng damit ay masayang nag-usap ang magkasintahan. Pinag-usapan nila ang kanilang magiging buhay, ang plano nila sa kanilang magiging pamilya. Ang mata nilay nangingislap at puso nila ay napupuno ng ligaya habang iniisip nila ang bagong yugto ng kanilang buhay. Mahirap magsimula sa wala ngunit kung magkasama naman sila sa hirap at ginhawa ay kakayanin nila ang anumang pagsubok na darating.
Sa kalaliman ng gabi, habang patuloy na lumalakas ang ulan, ay isang malakas na ingay ang narinig. Gumuho pala ang isang bahagi ng bundok at natabunan ng lupa ang kubong sinisilungan nina Singka at Amas. Nalibing ng buhay ang magkasintahan habang sila ay tulog at magkayakap. Hindi na naisalba ang magkasintahan at napagkasunduan nang makita ang guho kinabukasan na hindi na rin hukayin ang kanilang mga labi at hayaan na lamang na magkasama sila sa kanilang himlayan.
Ilang buwan ang lumipas, isang kakaibang tanim ang natagpuan ng mga taong bayan sa lugar na iyon. Binunot nila ito sa pag-aakalang ito ay isang kakaibang damo ngunit laking gulat nila ng may mga bunga ito sa ilalim ng lupa. Sabi ng mga tao hugis puso ang mga ito na nagpapaalala sa pagmamahalan nina Singka at Amas. Ang balat naman nito ay nagpapaalala sa kakisigan ni Amas, at ang maputi nitong laman ay nagpapaalala sa kagandahan ni Singka. Dulot nito kapag kinain ay kakaibang tamis at ang katas ay pamatid uhaw sa mainit na araw.
Mula noon ay tinawag nila itong singkamas bilang pag-alala sa walang hanggang pag-iibigan nina Singka at Amas.
KUWENTONG ALAMAT
- Mga Alamat ng Hayop
- Mga Alamat ng Prutas
- Mga Alamat ng Pook o Lugar
- Mga Alamat ng Halaman
- Mga Alamat ng Gulay
- Iba Pang Kuwentong Alamat
- Lahat ng Mga Kuwentong Alamat
Ang Alamat ng Singkamas
Reviewed by Jim Lloyd
on
8:21 AM
Rating: