Mga Aral Sa Buhay Mula Sa Mga Kuwentong Pabula ni Aesop
1. Ang Kuneho At Ang Pagong: Huwag Sumuko!
Buod: Ang kuneho ay nagyayabang tungkol sa kanyang bilis sa harap ng iba pang mga hayop at hinamon ang sinuman sa kanila sa isang paligsahan. Tinanggap ng isang pagong ang kanyang hamon. Sa una ay iniisip ng kuneho na ito ay isang biro, ngunit seryoso ang pagong. Sinimulan ang paligsahan at sa simula ay buong bilis na tumakbo ang kuneho. Napansin niyang sobrang layo na ng pagong at pinagtawanan niya ito. Nagpasya siyang umidlip muna sapagkat sa wari niya ay walang pag-asang makahabol ang pagong. Ang pagong, kahit mabagal ay patuloy na naglakad. Nang magising ang kuneho ay malapit na sa dulo ng karera ang pagong at hindi na niya ka pang habulin kahit anong bilis niya.
Ang Aral ng Kuweto: Matatag kahit mabagal ang nanalo sa anumang paligsahan. Minsan sa buhay, maaaring mukhang nangunguna ang iba sa iyo ngunit hindi mo alam kung anong balakid ang maaaring magpahinto sa kanila. Mahalaga ay huwag sumuko at patuloy na lumaban. Isang araw ay makakarating ka rin sa gusto mong puntahan.
2. Si Langgam At Si Tipaklong: Maging Handa Sa Tag-ulan!
Buod ng Kuwento: Sa panahon ng tag-init ay ginugugol ng tipaklong ang kanyang oras sa paglalaro at pagpapakasaya habang ang langgam ay abala sa pag-iimpok ng pagkain. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang magtrabaho ng husto ng langgam. Dumating ang tag-ulan at nangangatog sa lamig at gutom ang tipaklong habang ang langgam ay komportable at may sapat na pagkain. Doon naintindihan ng tipaklong kung bakit kailangang magtrabaho ng husto ng langgam sa panahon ng tag-init.
Ang Aral ng Kuwento: May oras para sa trabaho at may oras para sa paglalaro! Dahil lamang sa hindi mo naisip na mahalaga ang isang bagay sa ngayon ay hindi nangangahulugan na hindi mo ito dapat paghandaan. Okay lang na magsaya, ngunit siguraduhing tapos na ang iyong trabaho! Magsikap upang maging handa sa hinaharap.
3. Ang Aso At Ang Anino: Maging Masaya Sa Kung Anong Meron Ka!
Buod ng Kwento: Isang aso ang naglalakad habang kagat-kagat sa bibig ang isang pirasong karne. Tumawid siya sa isang tulay at tumingin sa tubig sa ilalim ng tulay. Nakita niya ang kanyang repleksiyon sa tubig at inakalang ibang aso ito na mayroon ding dalang karne sa bibig. Tumahol siya dahil nais niyang makuha ang karne ng asong nakita. Ngunit sa kanyang pagtahol ay nahuhog sa tubig ang karne sa kanyang bibig at hindi na niya ito muli pang nakuha.
Ang Aral ng Kuwento: Ang pagiging sakim ay isang kahangalan. Hindi masamang maghangad ng mga bagay na wala ka ngunit matutong maging masaya sa kung anong meron ka ngayon. Matutong pahalagahan ang mga bagay na nasa iyo upang hindi magsisi kapag ito ay nawala.
4. Ang Uwak at Ang Banga: Kung Gusto Maraming Paraan!
Buod ng Kwento: Isang nauuhaw na uwak ang nakahanap ng banga na may lamang tubig. Ngunit hindi abot ng kanyang tuka ang tubig sa loob ng banga kaya hindi niya mainom ang tubig. Nagkaroon siya ng ideya at kumuha ng maliliit na bato. Inilagay niya ng mga bato sa banga at sa wakas ay unti-unting tumaas ang tubig hanggang abot na ng kaniyang tuka ang tubig.
Ang Aral ng Kuwento: Kung sa simula ay hundi ka nagtagumpay, huwag sumuko! Ang pagtitiyaga ang susi sa paglutas ng anumang suliranin. Kung hindi nalutas ng unang solusyon ang isang problema ay humanap at mag-isip ng iba pang solusyon. Patuloy kang sumubok hanggang sa makuha mo ang tamang sagot at solusyon. Mainam ito kaysa sa wala kang gawin na anuman upang malutas ang problema.
5. Ang Kampanilya at Ang Pusa: Madaling Sabihin, Mahirap Gawin!
Ang Buod ng Kwento: Isang pamilya ng daga ang nabubuhay sa takot dahil sa isang pusa. Isang araw ay nagtulungan sila upang talakayin ang mga posibleng paraan upang matalo ang pusa. Matapos ang maraming talakayan, isang batang daga ang nagmungkahi ng isang ideya. Nagmungkahi siyang maglagay ng isang kampanilya sa leeg ng pusa upang dinig nila ito kung ito ay papalapit. Pumalakpak at sumang-ayon ang lahat sa ideya maliban sa isang matandang daga. Tanong niya, "Sino ang maglalagay ng kampanilya sa leeg ng pusa?"
Ang Aral ng Kuwento: Madaling imungkahi ang mga solusyong imposibleng maipatupad. Ang pagkakaroon ng maraming mga ideya ay mabuti para sa paglutas ng problema, ngunit ang pagkakaroon ng mga ideya na gumagana at madaling ipatupad ay mas mahusay.
6. Ang Dalawang Alimango: Lead By Example!
Ang Buod ng Kwento: Dalawang alimango, isang ina at isang bata ang naglalakad sa kabila ng buhangin. Ang inang alimango ay nagagalit sa kanyang anak dahil sa maling paglalakad nito. Sabi ng ina ay lumakad ito ng mas maganda. Ipinaliwanag ng batang alimango na hindi niya alam kung paano at hiniling sa ina na ipakita sa kanya ang tamang paraaan ng paglalakad. Sinubukang ipakita ng ina subalit bigo ito dahil pareho lamang sila ng lakad ng kaniyang anak.
Ang Aral ng Kuwento: Bago ka humiling ng mga di-makatwirang utos ay siguraduhing kaya mo itong gawin sa sarili mo. Manguna, mamuno at magturo sa pamamagitan ng pagiging halimbawa.
7. Ang Langaw at Ang Kalabaw: Huwag Labis na Tayain Ang Iyong Kahalagahan!
Ang Buod ng Kwento: Isang langaw ang nakatuntong sa sungay ng kalabaw. Pagkaraan ng ilang sandali ay lumipad ito at nagpaalam sa kalabaw. Sinabi nito kung ok lang na umalis na siya. Tumugon ang kalabaw na hindi alam na tumuntong pala ang langaw sa kaniyang sungay, "Hindi ko alam na narito ka pala kaya't hindi rin kita makakaligtaan kapag umalis ka na."
Ang Aral ng Kuwento: Maraming tao ang mataas ang tingin sa sarili at iniisip na sila ay mas mahalaga kaysa sa tunay nilang halaga. Siyempre, hindi ito nangangahulugan na ikaw ay hindi gaanong mahalaga. Ngunit kung minsan ang mga bagay na maaari mong sabihin ay nagbibigay ng impresyon sa iyong kahangalan. Samakatuwid importanteng magbigay ng halaga sa sarili ngunit huwag asahan ang lahat na mapansin ang iyong presensya!
8. Ang Usa at Ang Mangangaso: Huwag Maliitin Ang Sarili!
Ang Kwento: Nakita ng isang usa ang sariling repleksiyon sa ilog habang umiinom. Namangha siya sa magaganda niyang sungay ngunit napansin din niyang malalaki at hindi magandang tingnan ang kanyang mga binti. Mayamaya'y isang mangangaso ang nagtangkang pumana sa kanya. Nakatakbo ang usa sa kakahuyan at napagtantong dapat siyang magpasalamat sa kaniyang binti dahil nakaligtas siya. Sa kanyang pagtakbo, nahuli ng mga sanga ng isang puno ang kanyang sungay. Naabutan siya ng mangangaso at napatay.
Ang Aral ng Kuwento: Madalas nating hinahamak ang pinakamahalaga sa atin. Halimbawa ay palagi kong kinasusuklaman ang aking pagiging tahimik. Hindi ko gustong magsalita sa publiko o sumama sa mga kaibigan. Nang maglaon, napagtanto ko na ang pagiging tahimik ay nangangahulugang kapag nagsasalita ka, mas maraming tao ang nakikinig sa iyong mga ideya. Sa tunay na buhay, maraming gustong makipagkaibigan sa mga taong tahimik dahil sa mas malapÃt na relasyon na maaari mong mabuo sa kanila. Ang inyong kahinaan ay puwede mong maging lakas, at ang iniisip mong lakas ay pwede mong maging kahinaan.
9. Ang Leon, Ang Asno, at Ang Soro: Matuto Sa Kabiguan ng Iba!
Ang Buod ng Kwento: Sabay-sabay na nangaso ang isang leon, isang asno at isang soro. Lahat sila ay nakapag-ipon ng maraming pagkain at nagpasya kung paano hahatiin ang pagkain. Inutusan ng leon ang asno na hatiin ang pagkain kaya't hinati niya ito ng pantay sa kanilang tatlo. Ikinagalit ito ng leon at pinatay niya ang asno. Pagkatapos ay tinanong ng leon ang soro na hatiin ang pagkain. Ang soro ay hindi nag-aksaya ng oras. Binigyan niya ng malaking bahagi ang leon at nagtira ng maliit para sa kanya. Nasiyahan ang leon at nagtanong kung paano siya natutong maghati ng mainam. Ang tugon ng soro, natutunan ko mula sa asno.
Ang Aralin: Ang pagkabigo sa buhay ay natural at hanggat may natututunan kang aral mula sa mga kabiguan ay hindi ito dapat ikahiya. Ngunit mas mainam kung matuto ka sa kamalian ng iba. Pag-isipan mo ito at tangkaing huwag gawin sa hinaharap.
10. Ang Hilagang Hangin at Ang Araw: Hikayatin Ang Iba sa Pamamagitan ng Kabaitan!
Ang Buod ng Kwento: Nagtalo ang Hangin at Ang Araw isang umaga kung sino ang mas malakas. Nakakita sila ng isang manlalakbay na naglalakad sa daan at nakaisip ng paraan upang tapusin ang argumento. Kung sino ang makakatanggal sa dyaket na suot ng manlalakbay ang siyang hihiranging mas malakas. Umihip ng malakas ang Hangin upang matanggal ang dyaket ngunit nakaramdam ng lamig ang manlalakbay at hinigpitan ang kapit sa dyaket. Sumunod na sumubok ang Araw. Nagningning siya ng mahina dahilan upang makaramdam ng init ang manlalakbay at tanggalin ang dyaket na suot nito.
Ang Aralin: Ang panghihikayat ay mas mahusay kaysa sa Puwersa. Ang magiliw na paraang ginawa ng Araw ay mas mainam sa malamig na pagbabanta at lakas na ginawa ng hangin. Kaya kung may kailangan ka sa isang tao, maging mabait ka at mapagkumbaba. Maaring makakuha ka ng masuhay na tugon kaysa kung pasigaw mo itong iniutos.
Mga Aral Sa Buhay Mula Sa Mga Kuwentong Pabula ni Aesop
Reviewed by Jim Lloyd
on
1:29 PM
Rating:
1 comment:
Nice story
Post a Comment