Ang Alamat ng Buwaya



Pagtatanim at pagbebenta ng gulay ang kinabubuhay ng magasawang Waldo at Busyang na parehong masipag at mabait. Kung pag-uugali ang pag-uusapan ay walang maiipipintas sa mag-asawang ito, maliban na lamang sa pisikal na anyo, napakapangit kasi ng babae at napakapandak naman ng lalaki. Gayunpaman, ang kapintasang iyon ay hindi nakikita ng mga tao dahil sa kagandahag loob na ipina mamalas ng mag-asawa. 

Bilang ganting langit sa mga kabutihan nina Waldo at Busyang, sila ay pinagkalooban ng isang anak na pagkaganda-ganda. 

Tibig ng ligaya ang puso ng mag-asawa sa pag kakaroon ng maipagmamalaking anak. Nakiisa naman sa kanilang kagalakan ang mga kapitbahay. Marami ang nagpasalamat dahil hindi naging kamukha ng sanggol ang kanyang ama at ina. Palibhasa kaaya-ayang pagmasdan ang magandang mukha ng anak nila na pinangalanan na Aya. 

Di kalaunan, habang lumalaki ang bata, napapansin nilang ito nagiging salbahe, napakasinungaling at maramot. Dahil sa ugali ni Aya na hindi maganda, siya ngayon ay kinaiinisan ng mga taong dati ay sa kanya pumupuri. Sa pagdadalaga ni Aya ay lalo itong naging mapagmataas, utos at bilin ng magulang ay hindi nito pinakikinggan, sa halip kung ano ang pinagbabawal at masama ay siya nitong ginagawa. 

"Anak, iwasan mo si Don Segundo, baka ikaw ay mapahamak", pagpapaalaala ng nangangambang ina. 

"Tse! Anong pakialam nyo? Bakit maibibigay ba ninyo ang naibibigay sa akin ni Don Segundo?" sagot ni Aya. Upang huwag nang lumaki ang gulo ay tumahimik na lang si Busyang, nagpatuloy naman sa pakikipagtagpo sa mayamang Don Segundo ang ambisyosang anak. 

Hanggang isang araw, natuklasan nila na nagdadalantao si Aya, sa pagkakataong ito ay nagawa pa ring magtimpi ng ama, hindi sinumbatan ang dalagang nagkamali. Masakit para sa isang ina ang sinapit ng kanyang anak ngunit masaya sa kaloobang tinanggap iyon ni Busyang. Baka sakaling magbago si Aya kung ito ay isa na ring ina. Datapwat mali sila ng akala, sapagkat ang anak ay hindi nagbago. Nangyari pa nagmistulang itong reyna kung utusan ang ama at ina. Madalas ang anak pa ang nagagalit kapag ang pagkaing maibigan ay hindi agad maibigay.

Isang araw, kararating pa lang ng mag-asawa mula sa psgtitinda ng gulay, galing sa kuwarto ay lumabas si Aya at hiningi ang ipinagbiling prutas. Humingi ng paumanhin ang inang makakalimutin subalit nagsiklab sa galit ang anak na sutil. 

"Puwee! Pangit na nga kayo ay mangmang pa! Walang silbi! Bumalik ka sa bayan ngayon din!", bulyaw nito sa ina. Kagyat na sumagot ang amang nangingitngit, ngunit siya man ay pinagwikaan din ni Aya.

Ang kasamaan ng anak ay kaya pa nilang pagtiisan ngunit ang paglalait at paghamak sa kanila bilang magulang ay hindi na niya mapalampas. Labis-labis na ang ginawa nilang pagbibigay, hindi naman sila nagkulang ng pangaral at pagtuturo kay Aya subalit bakit lumaki itong matigas ang ulo? Sa sama ng loob ng ama, ang irog na anak ay kanyang naitulak. Sa pagkakatumba ni Aya, nanlilisik pa ang mga matang tumingin sa ama. 

"Papatayin ko kayo!" pagbabanta nito habang tumatayo. 

"Kung kasamaan pa rin ang nasa iyong pagiisip, sanay huwag kanang makatayo". Ito ang nabigkas ni Waldo, mga katagang mula sa kanyang puso na punong-puno ng hinanakit. Dinig ng langit ang hiling ni Waldo upang ang paghihirap nila ay mabigyan ng wakas. Ang parusang angkop sa suwail na anak ay iginawad. Hindi na nga nakatindig si Aya at sa inis nito ay gumapang patungong hagdanan.

"Lumayo kayo sa akin! Wala akong magulang tulad ninyo! Lalayas na ako sa bahay na ito. Tandaan ninyo, kapag nagkaroon ako ng pagkakataon, papatayin ko kayo!" 

Pagapang na bumaba ng hagdanan ang anak, sa pagsayad ng mga kamay nito sa lupa ay unti-unti itong nagbago. Nagkataon namang may mga nagdaraan at kitang-kita nila ang nagaganap sa nagdadalang-taong si Aya. Parang itinulos sa pagkakatayo ang mag-asawa at di malaman ang gagawin. Diyos ko, ano po itong nangyayari sa aming anak? Napasigaw ang mga nag-uusyoso ng:

"Dambuhalang bayawak!" 

Subalit sa kabangisang ipinakita nito ng sakmalin ang nakataling kambing ay napagtanto nilang hindi bayawak kundi mabangis na hayop. Sa takot mamatay ay nagmadaling tumakas si Aya, mula noon buwaya na ang tawag sa ito. Ang galit ng unang buwaya sa kanyang mga magulang at sa tao ay nagpasalin-salin sa lahat ng buwaya hanggang sa kasalukuyan na panahon.


KUWENTONG ALAMAT


Ang Alamat ng Buwaya Ang Alamat ng Buwaya Reviewed by Jim Lloyd on 9:08 AM Rating: 5
ads
Powered by Blogger.