Ang Pitong Kuba


Minsan, may pitong magkakapatid na kuba na magkakamukha. Pangit man ang mga kuba, meron namang isa pa ring dalaga na nagmahal at nagpakasal sa isa sa kanila. Mahal ng babae ang asawa niya, ngunit napakadamot niya. Hanggang sa dumating ang panahon na kinailangan nang umasa ng mga binatang kuba sa kubang may asawa para sa pagkain nila. Hindi ito nagustuhan ng asawa. Pagkalipas ng ilang araw, lalong tumindi ang galit niya. Kaya nagbalak ito na patayin ang lahat ng mga bayaw niya. 

Isang araw, habang nasa malayo at nagtratrabaho ang asawa niya, pinatay niya ang anim na magkakapatid. Pagkaraan, umupa siya ng tao para pumunta at ilibing ang mga bangkay. Sinabi niya rito na isang bangkay lang ang ililibing dahil may balak siyang lokohin ito. Nang mailibing ang isa sa mga katawan, bumalik siya upang kunin ang bayad sa kaniyang natapos na trabaho. Ngunit bagomakapagsalita ang lalaki, pinagalitan siya ng babae dahil sa paglilibing sa bangkay sa maling lugar. “Tingnan mo ito,” sabi ng babae habang itinuturo ang bangkay ng pangalawang kapatid. “Hindi mo pinagbuti ang trabaho mo. Ilibing mo uli ang katawang ito. Tandaan mo, hindi kita babayaran hanggang hindi mo naililibing ang taong ito at mapanatili siya sa ilalim ng lupa.” 

Kinuha ng lalaki ang pangalawang bangkay at inilibing niya ito. Subalit pagbalik niya, naroon na naman ito. Kaya inulit niya ang ginawa niya, paulit-ulit hanggang sa naisip niya na anim na ulit niyang nailibing ang parehong bangkay. Subalit pagkalibing ng ikaanim o ang huling kuba, umuwi ang may-asawang kuba sa kanilang bahay mula sa trabaho. Nang makita ng tagahukay ng libingan ang kubang ito, agad-agad niya itong sinunggaban at pinatay sa pag-aakalang siya pa rin ang lalaki na inilibing niya na nang maraming ulit. 

Nang malaman ng masamang babae na ang mismong asawa niya ang napatay, namatay din siya sa pagkasawi ng puso. 


Ang Pitong Kuba Ang Pitong Kuba Reviewed by Jim Lloyd on 7:22 AM Rating: 5

No comments:

ads
Powered by Blogger.