Istorya ng Pinto (Sanaysay)
Isang halimbawa ng di-pormal na sanaysay.
Nagdaan ang Araw ng mga Puso. Kumita ng malaki ang mga tindahan ng bulaklak, tindahan ng kapote at tindahan ng balot sa kanto. Malaki rin halos ang kinita ng mga sinehan, restawran at mga motel maging ang mga pabrika ng tsokolate at stationary. Ang ligayang dulot ng Valentine’s Day ay binalot sa mga regalong pinagsumikapang ipunin upang mabigyan ng kahit kaunting saya ang pagbibigyan. Hindi mahalaga ang regalo. Mas mahalaga ang pag-aalala ng nagbigay sa binigyan. At ang kilig na naramdaman sa piling ng iyong pinakamamahal ay nakamit sa pamamagitan ng PDA at PMS o kahit sa simpleng HHWW ng magsing-irog. Ang mahalaga’y tumitibok ang puso ng bawat isa. And love is in the air.
Kagaya ng mga nagdaang umaga, nagising ako kasabay ng tilaok ng mga manok sa kapitbahay. Sinalubong ako ng lamig na dulot ng hanging amihan paglabas ko ng bahay. Madilim-dilim pa at siguro ay ako pa lamang ang gising sa hanay ng mga bahay sa lugar na ito.
Wala pa kaming isang taon na nakalipat dito sa lugar na ito. Iba ito sa lugar na kung saan ko hinasa ang aking tari at kalyo. Sa lugar na kinamulatan ko, hindi natutulog ang oras. Laging maingay. Laging magulo. Libangan ng tao ang makipag-away sa kapitbahay. Ngunit sa kabila ng maingay at makulit na kapaligiran nito, natutunan kong mahalin ang lugar na iyon kasama ng pagyakap ko sa mga taong nakakasalamuha ko sa araw-araw.
Naroon nga ang ingay at gulo ngunit naroon din ang saya’t ligaya na dulot ng pagsasamahan. Laging masigla ang buhay. Gigising kang masaya at matutulog na may ngiti sa mga labi habang sinasanay ang sarili sa pagtanggap sa mga aberya.
Narito kami ngayon. Lugar na kahit sa panaginip ay hindi naglaro kahit sandali. Tangay sa paligid ang katahimikan at sa umaga’y gigising kang kapiling ang halumigmig ng simoy ng hangin. Okay na rin kahit paano. Dito ko naranasan ang katahimikan na hindi naitaguyod ng ingay ng Maynila. Narito ako ngayon sa isang lugar na payapang namumuhay ang mga tao. Wala sa pusod ng laging nagmamadaling lungsod.
Sa kalaunan ay hinahalagahan ko na rin ang lugar na ito. Marapat lamang marahil. Hindi dahil sa wala akong pagpipilian kundi dahil siguro karapat-dapat lamang siyang mahalin. Matamis mamuhay sa isang lugar na ang musika sa katanghalian ay huni ng mga ibon sa kalapit na punongkahoy. Masarap sa pakiramdam na ang kaniig mo sa gabi ay ang ilaw ng mga alitaptap at liwanag ng buwan sa kabukiran. Ang anag-ag ng kumukititap na mga bituin sa langit ay parang bonus na lamang sa buong magdamag.
Okay na rin ang buhay. Malayo na sa mga bisyong sumira nang unti-unti sa buhay na maraming pangarap. Malayo sa daigdig na kahalubilo ang libo-libong tukso sa pagkatao. Okay na rin kahit paano. Masasanay din ako…Nasasanay na rin ako…
Naisipan ko nang pumasok ng bahay. Hindi ko kaya ang lamig ng hangin. Tumatayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan. Pinihit ko ang seradura ng pinto ngunit sa laki ng aking pagkamangha ay hindi siya sumang-ayon. Naka-lock sa loob! Siguro, nang lumabas ako kanina, nakapindot sa loob ng hatakin ko pasara. Laking katangahan!
Kumatok ako at pinagbuksan ng pupungas-pungas kong ina….
Istorya ng Pinto (Sanaysay)
Reviewed by Jim Lloyd
on
4:25 PM
Rating:
No comments:
Post a Comment