Ang Talangkang Nakaharap Lumakad (Pabula)
Usap-usapan sa baryo Talangkukay ang kakaibang pag-iisip at ikinikilios ni Mokong Talangka. Hindi siya palakibo at madalas na hindi nakikihalubilo sa iba pang talangka sa kanilang baryo. Madalas lamang siyang natatanaw sa kaniyang bintana na nagbabasa, umiinom ng kape at nagsusulat.
Minsan, isang batang talangka ang nagkainteres na usyosohin kung ano ang ginagawa ni Mokong Talangka. Mula sa maliit na butas sa dingding ng bahay ni Mokong Talangka ay sumilip ang batang talangka. Laking pagtataka ng batang talangka nang marinig niyang tila may kausap si Mokong Talangka. Batid ng lahat sa baryong iyon na mag-isa na lamang sa buhay si Mokong Talangka. Ang pagtatakang ito ng batang talangka ay napalitan ng pagkatulala at pagkagulat sapagkat ang kausap ni Mokong ay ang mismo nitong sarili habang nakaharap sa salamin. At ang lalong ikinagimbal ng batang talangka ay nang makita nito ang kakaibang paglakad ni Mokong Talangka, paharap na katulad ng ibang hayop at hindi patagilid kagaya ng ibang talangka sa kanilang baryo.
Umugong ang bulung-bulungan sa baryo Talangkukay matapos na ipagkalat ito ng batang talangka. Nagtaasan ang kilay ng mga purok lider na talangka sa baryo. Nagtawanan naman ang mga istambay na talangka sa kakaibang paraan ng paglakad ni Mokong Talangka.
“Nababaliw na siguro si Mokong, palibhasa’y hindi sumasali sa mga usap-usapan dito sa ating baryo. Parati lamang kaharap ang kaniyang mga aklat,” wika ng isa sa mga purok lider na nasa umpukan.
“Kaawa-awang nilalang, maagang pinanawan ng bait,” pambubuska ng isa pang talangka.
Laking gulat ng mga talangka sa umpukan nang makitang nagbukas ng pinto si Mokong Talangka. Tila patungo ito sa kanilang kinaroroonan. Nagulat ang karamihan nang makitang paharap nga na maglakad si Mokong at hindi patagilid.
“Ako ba ang pinag-uusapan ninyo?” Tanong ni Mokong sa mga naroong lider talangka sa kanilang baryo.
“Oo! Eh ano naman sa iyo ngayon kung ikaw ang pinag-uusapan namin?” Pagtataray ng isang babaeng talangka.
“Nais kong linawin ang kumakalat na masamang mga balita laban sa akin. Ako’y walang ginawang masama laban sa inyo. Tahimik lamang ako at ninanais na makapag-isa. Tama kayo. Napapansin ninyo akong nagsasalitang mag-isa sa aking bahay, ito ay dahil sa nais kong buhayin ang mga letra sa aking mga naisusulat. Naniniwala ako na walang saysay ang isang panulat kung hindi ito maririnig at maiparirinig. Natuwa naman ako dahil may isa sa inyo dito ang nagkaroon ng interes sa aking mga ginagawa. Marahil siya ang nagbalita sa inyo nito. Tungkol naman sa aking kakaibang paraan ng paglalakad na taliwas sa inyong nakaugaliang paglakad, ipagpaumanhin ninyo, hindi sa nais kong maging kakatwa sa karamihan. Hindi ko lamang ibig na umayon sa lakad na patagilid. Batid ko na mauunawaan n’yo rin ako balang-araw, sa tamang panahon at pagkakataon.” Mahinahong paglilinaw ni Mokong Talangka.
Saglit na natulala ang karamihan. Muling bumalik si Mokong Talangka sa kanyang bahay. Nabuhayan na lamang ang mga talangka nang maipinid na ni Mokong ang pinto ng bahay nito.
“Hu, ang akala mo’y kung sinong marunong. Siya lang ang magaling. Siya lang ang mahusay”. Galit na winika ng isang purok lider na talangka.
“At may sinasabi-sabi pang mabuti’t may nagkainteres sa kaniyang ginagawa. Walang may interes sa kaniyang mga ginagawa kundi ang sarili niya lamang,” inis na tinig ng isa pang purok lider na talangka.
Lingid sa kaalaman ng lahat ng talangka ay narinig ni Mokong ang lahat ng masasakit na salitang binitiwan ng mga kabaryo niyang talangka. Naisip bigla ni Mokong na paano naging lider ang mga ito gayong walang kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili, paano pa kaya ang kanilang mga nasasakupan?
Isang araw, habang nagmamasid ang batang talangkang si Tikang sa butas ng bahay ni Mokong, nagulat si Tikang dahil mula sa kanyang likuran ay may kung sino ang kumalabit dito. Si Mokong Talangka. Nagimbal sa kahihiyan si Tikang Talangka. Pinahupa ni Mokong ang kaba at kahihiyan ng batang talangka. Inalok niya itong pumasok sa kaniyang bahay. Namangha si Tikang talangka sa dami ng aklat na naipon ni Mokong talangka. Maayos na nakasalansan ito sa bawat dingding ng bahay. Patong-patong sa maliit na mesa ang mga magasin at pahayagan. Kapansin-pansin din ang nakasubong papel sa makinilya ni Mokong talangka.
“Maaari mong hawakan at basahin ang nakikita mong mga aklat. Ang maiibigan mo ay maaari mo nang iuwi sa inyong tahanan.” Marahang alok ni Mokong talangka.
“Talaga po? Ang bait n’yo pala. Akala ko po kasi ay salbahe kayo dahil wala kayong kinakausap sa ating lugar. Sabi po kasi ng mga magulang ko, huwag daw po kaming lalapit sa bahay ninyo dahil nababaliw na po raw kayo.” Sunod-sunod na nawika ni Tikang.
“Tikang, ang pakikipag-usap at pakikisalamuha sa ibang tao ay hindi masama subalit paano ako makikitungo sa kanila kung ako naman ay hindi nila nauunawaan? Sinubukan ko na dati na makipag-usap sa mga purok lider ng ating baryo. Nagbigay ako ng mga mungkahi tungo sa pag-unlad ng buhay ng mga kababaryo natin. Ngunit, ano ang naging reaksiyon nila sa nais kong mga pagbabago? Kabaliwan daw at nalalayo sa katotohanan ang aking mga ipinagsasasabi. Magmula noon, hindi na ako lumahok sa anumang pagtitipon at pulong na ipinatatawag sa baryo natin. Namuhay akong mag-isa kapiling ang mga aklat at ang aking panulat. Dito sa loob ng bahay ko ibinuhos ang naiisip kong magiging solusyon sa krisis at matagal na problema nating mga talangka sa baryo Talangkukay,” paliwanag ni Mokong talangka.
“Isa na lamang po, bakit po paharap ang inyong paraan ng paglalakad?” pag-uusisa ni Tikang.
“Dahil ayaw kong patangay na lamang sa agos, sa kulturang kinamumuhian ko sa asal nating mga talangka. Dahil sa iisang paraan ng paglalakad natin, nagkakaroon ng hilahan kapag may dumarating na panganib sa ating baryo. At kung may nauuna namang mag-isip na isang talangka sa karaniwang talangka ay ganoon din ang ginagawa nila, hinihila. Ayaw ko nang ganoong kultura. Kaya magmula noon ay pinag-aralan ko ang lumakad nang paharap at hindi patagilid.” Dugtong ni Mokong Talangka.
Gabi na nang makauwi si Tikang sa kanilang bahay. Agad siyang inusisa ng kaniyang mga magulang. Nang malaman na nanggaling ito sa bahay ni Mokong talangka ay pinagalitan ito. Ipinagtanggol naman ni Tikang si Mokong at sinabing mali ang mga paratang nila, mabait at maginoo ang sinasabing nababaliw na si Mokong. Dahil sa sinabi ni Tikang, nag-init ang ulo ng ama nito at agad na pinulong ang ibang kasamahang talangka. Nilusob nila ang bahay ni Mokong.
“Walang kahihiyan ang Mokong na iyan. Nilalason ang isip ng anak ko. Tinuturuang magrebelde sa amin. Kailangang mawala sa landas natin ang talangkang iyan.” Galit na wika ng ama ni Tikang.
“Lumabas ka Mokong! Harapin mo kami dito!” Sigaw ng ina ni Tikang.
Nakaakma na ang lahat ng sandata ng mga talangkang nasa harap ng bahay ni Mokong nang biglang yumanig ang lupang kanilang tinatapakan.
“Mga kasama, nariyan na ang mga taong nananalakab. Takbo!” Sigaw ng isang purok lider.
Nagsipanakbuhan ang mga talangka. Nag-uunahan. Ang ibang maliliit na talangka ay naiwan sapagkat hinihila ng ibang kasamahang talangka. Naipit naman ang iba. Laking tuwa ng mga mananalakab sapagkat napakarami nilang nahuling talangka. Wala halos natira sa lipi ng talangka sa baryo Talangkukay maliban kay Mokong Talangka na dahil sa paharap ang nakaugaliang paglalakad ay naiba ng direksiyon mula sa nagtakbuhang kababaryo. Ikinalungkot ni Mokong ang nangyari sa ibang kasama. Mula sa kalayuan ay may narinig siyang pamilyar na tinig, isang kababaryo niyang talangka ang umiiyak. Si Tikang. Agad niyang tinungo ang kinaroroonan ng humihikbi. Natuwa naman si Mokong nang makita niya si Tikang gayundin naman ang batang talangka.
“Ngayon po ay nauunawaan ko na kung bakit paharap ang paraan ng paglalakad ninyo”, nawika ni Tikang.
“Salamat Tikang. Ngayon, bubuo tayo ng bagong henerasyon ng mga talangka sa ating baryo. Isang henerasyon na may busilak na kalooban na walang halong inggit sa kalooban”. Marahang tugon ni Mokong Talangka.
Kuwento ni Jayson Alvar Cruz
Ang Talangkang Nakaharap Lumakad (Pabula)
Reviewed by Jim Lloyd
on
1:44 PM
Rating:
2 comments:
Thanks need ko sa filipino assignment (science next math next recessnext filipino)
Why comment 5 yrs ago its march 8 2023💀
Post a Comment