Plastic (Kuwentong May Aral)
Mayroong dalawang matandang mag-asawa na maraming anak. Malalaki na ang kanilang mga anak at mayroon ng kanya-kanyang pamilya. Pagkaraan ng maikling panahon ay namatay ang matandang babae. Sa sitwasyong ito ay kinakailangan ng matandang lalaki na tumira sa isa sa kaniyang mga anak upang mayroon siya ng kasama at mayroong mag-alaga sa kanya. Kinuha siya ng kanyang panganay na anak at pinatira sa kanilang bahay kasama ng kanyang pamilya. Dito sa malaking bahay ng kayang anak ay nagsimula ang kanyang katandaan, lakad siya ng lakad, ikot ng ikot sa bahay, nagtatanung sa lahat ng bagay at iba pa.
Dahil dito ay naisipan ng kanyang anak na doon siya ilipat at manatili sa kwarto ng kanilang driver sa gilid ng kanilang bahay, at pinalipat naman ng kwarto ang kanilang driver. Ang matanda ay hindi nakipagtalo pa, dahil alam niya kung bakit siya ililipat ng kwarto ng kanyang panganay na anak. Dumaan ang panahon at minsan ay dinadalaw siya ng kanyang anak, isang beses sa isang araw, isang beses sa isang linggo hanggang minsan ay isang beses nalang sa isang buwan. Bumili din sila ng isang plastic upang lagyan ng pagkain para sa matanda upang hindi na ito makabasag pa ng pinggan habang ang nagbibigay sa kanya ng pagkain ay ang kanilang katulong araw-araw.
Pagkalipas ng maikling panahon ay namatay ang matandang ito. Pagkatapos ng pagdadalamhati ay nagtungo ang lalaki na ito sa kwarto ng kanyang ama, upang linisin at ibalik muli dito ang kanilang driver. Nakita ng lalaking ito na hawak hawak ng kanyang batang anak ang plastic na kinakainan ng kanyang lolo.
"Bakit mo hawak hawak ang plastic na 'yan, ipapatapon na 'yan sa ating katulong", sabi ng tatay sa kanyang anak.
"Itatago ko ito", sabi ng bata.
"Bakit mo naman itatago iyan? Eh, luma na yan. Ano bang gagawin mo sa plastic na yan?", nagtatakang tanong ng tatay.
"Itatago ko po ito para sa'yo, para kapag matanda na po kayo ay dito ko rin ilalagay ang pagkain mo tulad ng kay lolo.."
Napaiyak ang lalaki sa sinabi ng anak, ngunit huli na ang lahat sapagkat pumanaw na ang kanyang ama.
ARAL
Noong tayo ay maliliit pa ay inalagaan tayo ng ating mga magulang kaya't nararapat lamang na sa kanilang katandaan ay bigyan natin sila ng oras, pagpapahalaga at pagmamahal. Gaya ng turo ng banal na aklat, igalang natin ang ating ama at ina. Sa kanilang nalalabing oras sa mundo ay ipadama natin sa kanila ang pagmamahal at pag-aaruga, hindi lamang dahil ito ay ating responsibilidad, kundi dahil tayo ay totoong nagmamahal at nagpapahalaga sa kanilang paghihirap at mga sakripisyo. Maging mabuting halimbawa tayo sa ating mga anak upang sa atin ding katandaan ay gawin nila sa atin ang pagpapahalaga na ibinigay natin sa ating mga magulang.
Plastic (Kuwentong May Aral)
Reviewed by Jim Lloyd
on
1:24 PM
Rating:
No comments:
Post a Comment