Isang Basong Gatas (Kuwentong May Aral)



Isang mahirap na batang lalaki ang naglalako ng mga paninda sa bahay-bahay upang makapag-aral. Gutom na gutom siya isang araw, ngunit nang tingnan niya ang natitira niyang pera, hindi ito sapat para makabili kahit isang tinapay. Nagdesisyon siyang kumatok sa isang pintuan para humingi ng pagkain, subalit nang mabuksan ang pinto at lumabas ang isang magandang dalaga, napahiya siya at humingi na lamang ng isang basong tubig.

Sa tingin ng dalaga ay gutom na gutom siya, kaya’t sa halip na tubig ay dinalhan siya ng isang basong gatas. Ininom ito ng bata nang dahan-dahan at saka nagtanong, 

“Magkano po ang utang ko sa inyo?”

“Wala kang utang sa akin,” ang sagot ng dalaga. "Tinuruan kami ng aming ina na huwag tumanggap ng bayad para sa isang nagawang kabutihan.”

“Kung ganoon po ay nagpapasalamat ako mula sa kaibuturan ng aking puso.” 

Nang lisanin ng batang si Edward Santos ang bahay na iyon, hindi lamang naramdaman niyang mas lumakas siya, mas malaki na rin ngayon ang paniniwala niya sa Diyos at sa kapwa tao. Kanina lamang ay nakahanda na talaga siyang sumuko at ihinto ang lahat ng kanyang pagsusumikap dahilan sa matinding hirap na dinaranas.

Ilang taon pa ang nakaraan, ang babaeng iyon ay nagkaroon ng malubhang sakit at nalagay sa bingit ng kamatayan. Naguluhan ang mga doktor sa kanilang lugar. Hindi nila kaya ang kaso nito, kaya’t nagpasyang ipadala siya sa Maynila para doon ipasuri. Doon, ipinatawag ang mga dalubhasa upang mapag-aralan ang pambihirang kaso ng pasyente. Si Dr. Edward Santos, lalo na, ay ipinatawag upang konsultahin. Nang marinig ng batang doktor ang bayan kung saan nanggaling ang pasyente, may kakaibang ningning na kumislap sa kanyang mga mata. Agad, tumayo siya at bumaba sa bulwagan ng ospital papunta sa kuwarto ng babaeng binabanggit.


Nakasuot-doktor, pumasok si Dr. Santos upang makita ang babae. Agad niya itong nakilala. Nagbalik siya sa silid-konsultahan at binuo sa sarili na gagawin niya ang lahat upang ang buhay ng babae ay mailigtas. Magmula noon, espesyal na atensiyon ang ibinigay niya rito.

Pagkatapos ng mahabang pakikipaglaban, naipanalo rin sa wakas ang buhay ng maysakit. Bago iuwi, hiningi ni Dr. Santos ang listahan ng babayaran ng pasyente upang maaprubahan.

Tiningnan niya ito, sinulatan sa isang gilid, at ipinadala sa kuwarto ng pasyente. Natatakot ang babae na buksan ito at basahin, sapagka’t natitiyak niya na hindi niya ito kayang bayaran. Binuksan niya ang listahan at ito ang kanyang nabasa:

“Bayad na ng buo dahil sa isang basong gatas.”
Lagda,
Dr. Edward Santos

Mainit na luha ng kaligayahan ang umagos sa mga pisngi ng babae habang nalulunod sa kaligayahan ang kanyang puso. Nanalangin siya: “Salamat po, O Diyos ko, na ang pag-ibig Mo ay kumakalat sa iba’t-ibang lugar sa pamamagitan ng mga kamay at mga puso ng tao.”

ARAL:
Tumulong ng walang kapalit, ngumiti, magbigay ng tapat na papuri, maging mabuti sa kapwa -- ang lahat ng ito kahit mumunting gawi ay may malalim na epekto sa nakakatanggap. Hindi mo man alam ngunit kahit ang pinakamaliit na ipinakitang kabutihan ay puwedeng makapagpabago sa buhay ng ibang tao. 
Isang Basong Gatas (Kuwentong May Aral) Isang Basong Gatas (Kuwentong May Aral) Reviewed by Jim Lloyd on 12:19 PM Rating: 5

No comments:

ads
Powered by Blogger.