Isang Mabuting Desisyon ang Paghinto sa Pag-inom ng Alak (Sanaysay)
Isang halimbawa ng sanaysay tungkol sa pagbibigay ng payo o inspirasyon sa mambabasa.
Kung tutuusin, isang napakadaling gawain ang pagpasok sa kahit anong uri ng addiction. Ang mas mahirap ay ang paglabas sa ganitong kondisyon kapag ikaw ay nalulong na. Ang alcohol ay isang nakaka-addict na substance. Kung patuloy mo itong aabusuhin sa matagal na panahon, maaari kang mahulog sa kanyang patibong. Maaari kang maging addict dito at mamamalayan mo na lamang na hindi mo na pala kayang kumilos kung wala ito. Magigising ka na lamang isang umaga na hindi mo na pala kayang mabuhay nang hindi umiinom. Sapagkat ang alak nga ay nakapasok na sa iyong sistema at ito’y nakagawa na ng isang malakas na impluwensiya sa iyong katawan at isipan. Na parang kasama na ito ngayon sa iyong regular na pangangailangan upang makagawa ng pangaraw-araw na gawain.
Alam nating lahat na ang alak ay isang mapanirang substance. Maraming masamang epekto ang labis na pagkonsumo nito sa ating kalusugan at buhay. At kahit na baliktarin mo ang sitwasyon at mundo, sigurado akong malalaman mong walang mabuting maidudulot ang labis na pag-inom nito lalo na sa pagtagal ng panahon. Kaya nga ang paghinto sa pag-inom ay isang mabuting desisyon na siyang makapagpapabago ng iyong buhay at pati na rin ang kalagayan mo sa iyong community at kapaligirang ginagalawan. Hindi rin natin dapat isa-isantabi na ang desisyong ihinto ang bisyong ito ay makabubuti sa iyong kinabukasan at makapagpapatibay pa ng lubos ng mga relasyong maaaring nasira noong nakaraan habang ipinagpapalit mo kang alak sa iyong mga mahal sa buhay.
Hindi madali ang huminto sa iyong nakasanayan. Lalo pa nga’t naimpluwensiyahan na nito ang iyong katawan at isipan. Pero kung ilalagay mo sa iyong utak ang gawaing ito, maaaring mapagtagumpayan mo ito kahit sa iyong sariling paraan. Mahirap na kung mahirap, ngunit maraming paraan upang makaalis ka sa iyong bisyo. At kung maghahanap ka lamang ng mga programa na maaaring makatulong sa iyo, magiging madali ang paghinto sa pag-inom ng alcohol.
Marami pang panahon para tumigil ka. Marami ring available na paraan para mapaglaban ang iyong kondisyon bilang isang alcoholic. Manghinayang ka sa panahon na inuubos mo lamang sa iyong pag-inom. Sikapin mong pahalagahan ang mga pera na ginagastos mo sa pagtangkilik sa mga inuming nakalalasing. At lagi mong isa-alang-alang ang mga mahal mo sa buhay na umaasang ikaw ay may kapasidad na magbagong buhay.
Hindi kailanman maibabalik ang mga nasayang na ito at lalo pang madaragdagan kung patuloy kang iinom ng alak. Ngunit kahit hindi man maibalik ang mga nasayang na panahon at salapi, maaari mo pang baguhin ang takbo ng iyong buhay kung ititigil mo na ang iyong bisyo. At sigurado akong hindi na madaragdagan ang iyong mga problema bagkus ay magkakaroon ka ng mas magandang kalusugan at mabuting pamumuhay ngayon at sa darating pang panahon.
Isang Mabuting Desisyon ang Paghinto sa Pag-inom ng Alak (Sanaysay)
Reviewed by Jim Lloyd
on
3:48 PM
Rating:
No comments:
Post a Comment