Si Juan at Ang Mga Alimango



Isang araw si Juan ay inutusan ng kanyang inang si Aling Maria. 

"Juan, pumunta ka sa palengke at bumili ng mga alimangong maiuulam natin sa pananghalian."

Binigyan ng ina si Juan ng pera at pinagsabihang lumakad na nang hindi tanghaliin. Nang makita si Juan sa palengke ay lumapit siya sa isang tinderang may tindang mga alimango at nakiusap na ipili siya ng matataba. Binayaran ni Juan ang alimango at nagpasalamat sa tindera.

Umuwi na si Juan ngunit dahil matindi ang sikat ng araw at may kalayuan din ang bahay nina Juan sa palengke ay naisipan ni Juan na magpahinga sa ilalim ng isang punungkahoy na may malalabay na sanga. Naisip niyang naghihintay sa kanya ang ina kaya't naipasya niyang paunahin nang pauwiin ang mga alimango. 

"Mauna na kayong umuwi, magpapahinga muna ako, ituturo ko sa inyo ang aming bahay. Lumakad na kayo at pagdating sa ikapitong kanto ay lumiko kayo sa kanan, ang unang bahay sa gawing kaliwa ang bahay namin. Sige, lakad na kayo." Kinalagan ni Juan ang mga tali ng mga alimango at pinabayaan nang magsilakad ang mga iyon. Pagkatapos ay humilig na sa katawan ng puno. 


Dahil sa malakas ang hangin ay nakatulog si Juan. Bandang hapon na nang magising si Juan. Nag-inat at tinatamad na tumayo. Naramdaman niyang kumakalam ang knyang sikmura. Nagmamadali nang umuwi si Juan. Malayu-layo pa siya ay natanaw na niya ang kanyang ina na naghihintay sa may puno ng kanilang hagdan. Agad na sinalubong ni Aling Maria ang anak pagpasok nito sa tarangkahan. 

"Juan, bakit ngayon ka lang umuwi, nasaan ang mga alimango?" 

"Bakit po? Hindi pa po ba umuuwi?" Nagulat ang ina sa sagot ni Juan. 

"Juan, ano ang ibig mong sabihin?" 

"Nanay, kaninang umaga ko pa po pinauwi ang mga alimango. Akala ko po ay narito na."

"Juan, paanong makauuwi rito ang mga alimango? Walang isip ang mga iyon." 

Hindi naunawaan agad ni Juan ang paliwanag ng ina. Takang-taka siya kung bakit hindi nakauwi ang mga alimango. Sa patuloy na pagpapaliwanag ng ina ang mga alimango ay hindi katulad ng mga tao na may isip ay pagpapaliwanag ni Juan na mali nga ang ginawa niyang pagpapauwi sa mga alimango.

Si Juan at Ang Mga Alimango Si Juan at Ang Mga Alimango Reviewed by Jim Lloyd on 8:41 AM Rating: 5

No comments:

ads
Powered by Blogger.