Daily Lesson Plan: EsP Grade 5 (Q2, Week 6.1)
Daily Lesson Plan
Subject: Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP 5)
Baitang: Grade 5
Markahan: Ikalawang Markahan
Q2, Day 1 of Week 6
I. LAYUNIN
Pamantayang Pangnilalaman:
Naipamamalas ang pag-unawa sa kahalagahan ng pakikipagkapwa-tao at pagganap ng mga inaasahang hakbang, pahayag at kilos para sa kapakanan at ng pamilya at kapwa.
Pamantayan sa Pagganap:
Naisasagawa ang inaasahang hakbang, kilos at pahayag na may paggalang at pagmamalasakit para sa
kapakanan at kabutihan ng pamilya at kapwa.
Pamantayan sa Pagkatuto:
Nakapagsisimula ng pamumuno para makapagbigay ng kayang tulong para sa nangangailangan at sa mga biktima ng kalamidad, pagbibigay ng babala o impormasyon kung may bagyo, baha, sunog, lindol at iba pa
II. NILALAMAN
Mga Karapatan Mo, Igagalang Ko
III. KAGAMITAN
Paksa/Pagpapahalaga: Pagkamagalang (Respectful)
Mga Kagamitan: Activity card, larawan (power point), weighing scale
Integrasyon : Sining, Sibika at Kultura, Mathematics
IV. PAMAMARAAN
i. BALIK ARAL/PANIMULANG GAWAIN
Kapwa ko, May Malasakit Ako
Alam mo ba na... Kapag pinabayaan mo ang iyong kapwa at malasakit mo’y ipinagkaila, sa araw ng paghuhukom, pananagutan mo ito sa Diyos na may likha.
ii. PAGGANYAK
Bago pa simulan ang gawain sa bahaging ito, inaasahan na nakapaghanda ang guro ng mga larawan.
iii. PAGTALAKAY NG ARALIN
Basahin ang kuwento.
"Malasakit"
Tubong Cavite ang mag-anak na Micaller. Lubhang napakalayo para sa kanila ang Kamaynilaan. Apat ang anak nina Aling Ella at Mang Boy. Dalawa na ang naghahanapbuhay sa apat nilang anak, si Albert at si Kristoffer. Sa Maynila sila namamasukan. Naisip ng mag-asawa na ipagbili na lamang ang kanilang bahay sa Cavite at sa Maynila na lamang manirahan. Tumira sila sa isang lugar sa Lungsod ng Quezon. Hindi maganda ang lugar na kinasadlakan ng mag-anak. Laging may gulo, may sugalan, at madalas na pagtatalo, dahilan upang magkaroon ng sakitan at minsan pa ay nagiging sanhi ng patayan. Si Ellen, ang bunso sa apat na magkakapatid at limang taong gulang ang minsang umuwi sa kanilang bahay na puro kalaswaan ang namumutawi sa labi nito, na hindi nman dating naririnig sa kanya noong sila’y nasa Cavite pa. Si Jeric, ang pangatlo sa magkakapatid ay minsam namang nahuli ni Aling Ella na nangungupit ng P50.00 sa kanilang maliit na tindahan, upang kaipala’y malaman lamang ni Aling Ella na ito’y ipinangtataya lamang sa sugal.
“Hindi maganda ang nangyayaring ito” ang naibulong ni Aling Ella sa sarili. Inalam ni Aling Ella kung ang suliranin ba niya ay suliranin din ba ng ibang ina sa kanilang lugar. At tama ang kanyang hinuha.
Sa ganito, kumilos ang butihing ina at agad na nagtungo sa himpilan ng barangay at kinausap ang kapitan. “Ano ho kaya ang nararapat nating gawin, mang Rustom?” tanong ni Aling Ella. Gumawa ng aksyon ang kapitan at agad na nakiisa sa pagsang-ayon ang mga magulang na naroon.
Idinulog nila ito sa punong-bayan upang higit silang matulungan. Inayos ng punong-bayan ang kanilang suliranin. Ipinaaalis ang pasugalan, nagtatag ng samahan para sa kapayapaan. Nagtayo ng libreng paaralan para sa mga batang palabuy-laboy. Naging maganda ang bunga para sa lahat ng aksyong ginawa ni Aling Ella. Payapa at masaya sa kabataan, bagkus naging huwarang barangay pa ang kanilang lugar.
Sagutin ang mga tanong:
1. Kapag magulo ang barangay, sino ang iyong lalapitan?
2. Bakit hindi nakakabuti para sa mga bata ang magulong kapaligiran?
3. Bakit kailangang ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang ganitong sitwasyon?
4. Paano ka makakatulong sa ganitong pagkakataon?
Gawain 1
Ano ang gagawin mo sa sitwasyong ito para maipakita ang pagmamalasakit mo sa iyong kapwa. Ilahad ang iyong magiging damdamin.
1. Bumili ka isang araw sa grocery ng gatas ng kapatid mo. Di sinasadyang nakakita ka ng isang lalaking kumukuha nang paninda. Ano ang iyong gagawin?
2. Namamasyal kayo ng nakababatang kapatid mo sa mall. Bigla ninyong naramdaman na yumayanig ang kapaligiran. Ano ang iyong gagawin?
3. May kapitbahay kang hirap sa buhay. May sakit ang kanyang anak at nangangailangan ng tulong upang ipambili ng gamot. Ano ang iyong gagawin?
4. Nakita mong hirap ang isang matanda sa pagtawid sa kalsada. Tutulungan mo ba siya? Bakit?
5. Nanghihingi ng tulong sa iyo ang iyong kamag-aaral sa inyong takdang-aralin. Alam mong tinatamad lamang siya at nais lamang niyang makapangopya ng takdang-aralin. Tutulungan mo ba siya? Ano ang iyong gagawin?
Gawain 2
Pumili sa mga halimbawa ng graphic organizer na gagamitin upang maipakita ang pagmamalasakit sa kapwa.
iv. MGA GAWAIN
1. Pukawin ang interes ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng larawan. (Power point)
2. Sabihin sa mga mag-aaral kung ano ang isinasaad ng bawat larawan.
3. Alamin ang damdamin ng mga mag-aaral sa nakitang sitwasyon mula sa larawan.
v. PAGLALAHAT
1. Pag-usapan ang sagot ng mga mag-aaral. Bigyang diin ang mga positibong reaksyon o desisyon sa bawat gawain tulad ng pakikinig nang mabuti, pananahimik kung may nag-aaral at nagpapahinga, atbp.
vi. PAGLALAPAT
Pasagutan ng pasalita sa mga mag-aaral ang mga tanong tungkol sa mga larawan na nasa Kagamitan ng Mag-aaral.
vii. PAGTATAYA
1.Gamitin ang kahusayan sa malikhaing pagtatanong upang malinang ang kahulugan ng salitang pagkamagalang (Respectful). Maging bukas sa ibang pamamaraan ng mga mag-aaral sa pagpapakita ng paggalang.
Previous Lesson Plan
Next Lesson Plan
Daily Lesson Plan: EsP Grade 5 (Q2, Week 6.1)
Reviewed by Jim Lloyd
on
12:29 AM
Rating: